Tuesday, April 13, 2010

masakit...

Tatlong taon na ang nakaraan nang huli akong makaramdam ng ganito. akala ko noon iyon na ang huli naming pagtatagpo. na iyon na rin ang katapusan ng lahat. ng sakit. ng hirap. pero nitong lunes lamang muli na nama kaming nagtagpo. hindi ko mawari kung bakit. hindi ko alam ang tunay na dahilan. nakaupo lang ako, nakatingin sa ilaw. sa una'y nakakasilaw pero di nagtagal, nasanay rin ako. hindi, nabulag na rin ako. akala ko sa pagkabulag na iyon ay mawawala siya. hinihintay kong hindi gaya ng pagkawala ng aking paningin ay mawala na in ang aking pakiramdam. sa isang punto, oo. naging manhid ako. pero alam kong kagaya ng pagka-panandalian ng kadilimang aking nakikita, ilang minuto lang ay babalik na rin ang lahat. lalo't higit, mananatili ang sakit. manunuot hanggang sa kasuluksukan, kasingit-singitan, kalalim-lalman ng aking buto, ng aking laman. wala akong nagawa. hindi ko rin napigil ang pagpatak ng aking mga luha. masakit. sobrang masakit na higit pa sa sakit na aking naramdaman tatlong taon na ang nakararaan. gusto kong magalit pero minarapat ko na lang manahimik. mas mabuting kimkimin ko ang sakit na ito kaysa mayroon pang ibang madamay. tinanggap ko ng buong puso ang lahat. gaya ng pagtanggap ng Ama sa Alibughang Anak.

ngayon, dalawang araw ang nakalipas nang muli kaming pinagtagpo. masakit man, masaya na rin ako sa nangyari. matagal man bago mawala ang sakit na ito, naniniwala akong nangyari ang lahat para na rin sa kapakanan ko. alam ko nang mabuti ang intensyon niya at muli man akong nakararanas ng di mawaring sakit, alam kong lilipas din ito. matatapos din ang aking paghihirap at pagtitiis. hihintayin ko ang araw na iyon. at kapag ito'y dumating na, taas noo, at buong puso, pagmamahal at pagpapatawad akong ngingiti at magpapaalam sa kanya at aking sasabihin, "maraming salamat brackets, wire at elastics, nang dahil sa inyo, mas maganda na ang ngiti ko ngayon."

No comments:

Post a Comment